Sa ulat na ipinarating ni PRO-12 Director Chief Supt. Manuel Raval kay PNP Chief Director Gen. Panfilo Lacson, umaabot sa 14 takas na preso ang nadakip ng mga elemento ng Polomok PNP habang anim ang sumuko sa Gen. Santos PNP na kabilang sa mga pinatakas ng MILF makaraang salakayin ng mga nasabing grupo ang naturang jail noong Nobyembre 7.
Hanggang sa kasalukuyan ay tinutugis pa rin ng South Cotabato PNP ang nalalabing 48 na pugante at pinaniniwalaang nasa pangangalaga ng MILF.
Kasabay nito ay inalerto ng PNP ang lahat ng piitan sa rehiyon ng Mindanao upang mapigilan ang posibleng pag-atakeng muli ng MILF na humahawak sa nasabing mga preso.
Samantala, nakipagtulungan na ang PNP sa Armed Forces of the Philippines at Bureau of Jail Management and Penology dahil may paniwala ang mga ito na muling sasalakay ang MILF sa hindi inaasahang pagkakataon.
Base sa intelligence report ng AFP, may balakin ang MLF na sanayin ang mga presong pinatakas upang isama sa kanilang grupo at muling gagawin sa iba pa upang mapalakas ang kanilang puwersa. (Ulat ni Jhay Mejias)