Ang biktima na namatay agad ay nakilalang si Jess Galarosa, magsasaka at residente ng nasabing lugar dahil sa tama ng mga taga sa ibat ibang bahagi ng katawan nito.
Samantala ang suspek ay ang anak nitong si Enrico, 21, may-asawa, magsasaka at residente ng nasabing lugar na mabilis namang naaresto ng pulisya.
Sa pagsisiyasat ng pulisya na dakong alas-7:00 ng gabi ay naghahanda ng hapunan ang ama ng makarinig ito ng sigaw mula sa lasing na anak sa labas.
Pinalalabas siya ng anak at nais kausapin ng sarilinan ukol sa mamanahing lupa na ayaw ibigay sa kanya.
Lumabas ang biktima at kinausap ang anak at sinabihan na huwag magsisigaw dahil siya ay lasing at nakakahiya sa kapitbahay.
Tinanong ng suspek ang ama kung bakit ayaw ibigay sa kanya ang mamanahing lupa subalit ang pagtatalo ay nauwi sa pagbunot ng itak ng una na nasa kanyang baywang.
Agad nitong pinagtataga ang ama sa ibat ibang bahagi ng katawan hanggang sa ito ay mapatay.
Hindi na nagawang makatakas ang suspek dahil sa mabilis na pagresponde ng pulisya na ngayon ay nakakulong sa Bulan Municipal Jail at nahaharap sa kasong parricide. (Ulat ni Ed Casulla)