Sa spot report na nakarating sa tanggapan ni Chief Supt. Lucas Managuelod, PRO4 Regional Director buhat sa Laguna-PPO, ang mga biktima ay nakilalang si Fidel Edwin Fule, alyas Edwin Nguso, na umanoy lider ng Fule group, kasama nito sina Ruel Aguilar, Nower Torres at Wilam Lacap na pawang walang permanenteng tirahan.
Ang mga ito ay isinugod sa Calamba Medical Center Hospital bunga ng mga tama ng bala sa ibat ibang parte ng katawan.
Narekober ng mga operatiba buhat sa mga suspek ang isang US Carbine, kalibre .45, isang bag na naglalaman ng p13,220 cash money, isang Nido cartoon na naglalaman ng ilang pirasong small sachet ng shabu at dalawang basyo ng bala ng kalibre .45.
Nabatid na ang Fule group ang siyang supplier ng shabu sa Los Baños, Calamba, Sta. Rosa, San Pablo, San Pedro at Batangas at nasa order of Battle ng Narcotics Group sa Region 4 at Criminal Investigation and Detection Group.
Si Fule ay may nakabinbing kasong double homicide sa San Pablo City at nasa drugwatchlist ng nasabing lugar.
Sinabi ni Managuelod na nabatid ng kanyang mga pulis sa Los Baños police station na ang grupo ni Fule ay nagkaroon ng drug deal sa isang big-time drug pusher sa isang lugar sa Laguna ng mahigit isang kilong shabu.
Kaagad namang nagsagawa ang mga tauhan ni Chief Inspector Renato Angra, hepe ng Los Baños police station ng mga checkpoint sa dadaanan ng mga suspek.
Dakong alas-10 ng umaga kahapon nang mamataan ng mga awtoridad ang sinasakyang kotse ng mga suspek na may plakang PLT-489 sa boundary ng Barangay Mayondon at Bayog ng nabanggit na lugar.
Imbes na sumuko ng mapayapa ang mga suspek sa mga tauhan ng pulisya ay lumaban ang mga ito kayat napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad. (Ulat ni Ed Amoroso)