2 sasakyan ni Kumander Robot nakumpiska

Dalawang tamaraw jeep na pag-aari ni Ghalib Andang alyas Kumander Robot, isang kilalang pinuno ng mga bandidong Abu Sayyaf ang narekober sa Talipao at Indanan, Sulu ng mga elemento ng 35th Military Intelligence Company at 4th Infantry Battalion (IB) kamakalawa.

Gayunman, muling nalusutan ang militar at nakatakas sa operasyon si Kumander Robot na matagal ng nagpapalipat-lipat ng taguan simula ng maglunsad ng pag-atake ang tropang militar sa pinagkukutaan ng mga bandidong Abu Sayyaf noong nakalipas na Setyembre 16 upang durugin ang grupo at mabawi ang mga hostages.

Samantala, puspusan pa rin ang isinasagawang operasyon ng tropa ng gobyerno upang madakip ang mga lider ng ASG tulad nina Abu Ahmad al Salayuddin alyas Abu Sabayam, spokesman ng naturang mga bandido: Khadaffy Janjalani at Mujib Susukan atbp.

Sa kasalukuyan, hawak pa rin ng mga bandidong Abu Sayyaf ang dalawa pang nalalabing hostages na sina black American Jeffrey Craig Edwards Schiling at Rolland Ullah. Si Schiling ay naiulat na kinidnap noong Agosto 28 kung saan ay ipinalalagay na isang kaso ng "kidnap me" ang pagkawala nito habang si Ullah naman ay ang nalalabi sa Sipadan hostage na dinukot noong Abril 23 sa Malaysia. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments