Ang mag-amang biktima ay kinilala ng pulisya na sina Victor Carreon, 38, at ang anak nito na si Vincent John, 12, grade VI pupil ng Montessori School sa Dagupan City at kapwa naninirahan sa National Hi-Way, Ton-Ton, Lingayen, Pangasinan.
Batay sa ulat ng pulisya, napag-alaman na ang kanilang sinasakyang kotse na Honda Civic Sedan na may plakang ULX-929 ay narekober ng mga awtoridad sa creek ng Sitio Molave, Barangay Isidro.
Natagpuan ng pulisya ang bangkay ng matandang Carreon na lumulutang-lutang sa tubig na hinihinalang may 20 metro ang layo sa national highway, habang ang bangkay naman ng anak nito na si Vincent John ay natagpuan sa layong 10 metro mula sa highway.
Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya napag-alaman na bandang alas-7:15 ng gabi habang nasa kalakasan ang buhos ng ulan ay tinangka umanong tawirin ng naturang sasakyan ng mga biktima ang tulay ng Sitio Molave ng bigla na lamang silang tangayin ng malakas na agos ng tubig baha patungong Aquino highway hanggang sila ay tuluyang malunod.
Nabatid sa ulat na ang mag-ama ay patungo sa Quezon City upang dalawin ang kanilang kamag-anak ng maganap ang insidente. (Ulat ni Jeff Tombado)