Batay sa ulat na tinanggap ni Armed Forces of the Phil. (AFP) Chief of Staff General Angelo Reyes, dakong alas-2 ng hapon ng bigla na lamang lusubin ng mga armadong MILF rebels ang isang CVO outpost na nakahimpil sa Barangay Rangayen sa nasabing bayan na ikinabigla ng mga nakabantay na tropa ng pamahalaan.
Agad namang dumepensa ang mga elemento ng militar sa kabila ng pagiging dehado nila sa bilang at armas, rumesponde rin sa encounter site ang ilan sa mga operating troops na nagkataong nagpapatrulya sa nasabing lugar.
Tumagal ng mahigit isat kalahating oras ang sagupaan hanggang sa mapilitang umatras ang mga kalaban.
Tatlo sa mga CAAs ang tinamaan sa kasagsagan ng engkuwentro na mabilis na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan para sa karampatang lunas.
Nakilala ang mga sugatang militiamen na sina CAA Gerry del Rosario, Gerry Nonas at Eduardo Panis. (Ulat ni Joy Cantos)