Sa report na nakarating sa Kampo buhat sa San Pablo Police Station, kinilala ang biktima na si Emelita Retardo, dalaga at nangungupahan sa Guis compound sa nabanggit na lugar. Si Retardo ay nagtamo ng mahigit 10 saksak sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Nakakuha ang mga awtoridad ng isang kutsilyo na may bahid na dugo na sinasabing ginamit ng salarin sa pagpatay at isang bag na kulay berde malapit sa bangkay ng biktima.
Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-5 ng hapon, natagpuan ng may-ari ng apartment na si Arminio Anlacan ang biktima sa sopa ng sala.
Bago ang krimen, nabatid na may kasama ang biktima na isang di nakilalang lalaki sa loob ng kanyang apartment.
Makalipas ang ilang oras ay bigla na lamag nawala ang lalaki at doon na lamang nabatid na patay na ang biktima nang hindi ito lumalabas sa buong maghapon sa loob ng kanyang apartment. (Ulat ni Ed Amoroso)