Mag-asawa binoga: mister todas, misis grabe

TANZA, Cavite – Isang 37-anyos na lalaki ang namatay noon din habang ang asawa nito ay nasa malubhang kalagayan matapos barilin ng shot gun ng dalawang lalaki habang pauwi sa kanilang tahanan sa Brgy. Amaya 2, kamakalawa ng gabi.

Ang nasawi ay nakilalang si Rene Cabanza, driver, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at dibdib, habang ang misis nitong si Maritess, 25, ay kritikal sa Tanza Family Hospital.

Mabilis namang naaresto ang mga suspek na sina Ariston Belano, 47 at Eduardo Lavador, 47, kapwa magsasaka at residente ng Brgy. Amaya 3.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni PO1 Niel Morano, may hawak ng kaso, na dakong alas-6:30 ng gabi ay kasalukuyang naglalakad ang mag-asawa pauwi sa kanilang bahay sa Brgy. Amaya 2 ng bigla silang harangin ng mga suspek at agad pinagbabaril.

Nabatid sa pulisya na lupa umano ang dahilan ng pagbaril sa mag-asawa dahil sa ayaw umanong umalis ang mga ito gayong sila ay pinapaalis na ng isa sa mga suspek na si Belano na may-ari ng lupa na kinatitirikan ng kanilang bahay.

Ilang oras ang nakalipas bago naaresto ang mga suspek na nahaharap sa kasong murder at frustrated murder. (Ulat ni Cristina Go-timbang)

Show comments