Subalit natagpuang patay sina Eunice Kaye Chuang, isang preparatory pupil ng Philippine San Bing School sa San Nicolas, Binondo, Manila at yaya nitong si Bibet Montecino, 29. sa loob ng kisame ng bahay ng isa sa dalawang suspek sa no. 12 Rosa St., Villa Tierra subdivision, Barangay Sumpang Matanda, Malolos, sa isang pagsalakay kamakalawa ng gabi.
Sa ulat na tinanggap ni Bulacan PNP Provincial Director Police Sr./Supt. Augusto Angcansa, Jr., nakilala ang mga nadakip na sina Monico Santos, 31-anyos, taxi driver, residente sa nabanggit na lugar at Francis Cañoza, residente ng no. 2707 Juan Luna St., Gagalangin, Tondo, Manila, na mga responsable sa pag-kidnap.
Natagpuan ang mga biktima na nakatali ang mga paa at kamay at may busal ng panyo ang mga bibig ang mga ito.
Sa imbestigasyong isinagawa ng mga awtoridad, ang dalawang biktima ay hindi na nakabalik ng bahay noong Martes ng hapon, matapos ang mga ito ay sunduin ng taksi ni Santos, na umano ay siyang tagahatid at tagasundo ng bata patungong paaralan at pabalik ng bahay.
Nabatid na nag-report pa umano si Santos sa ina ng bata na si Ginang Emily Chuang, na sila umano ay hinarang ng mga lalaking sakay ng isang Mitsubishi Lancer sa may bahagi ng Delpan, sa Tondo, Manila, habang sakay ng kanyang taxi at papauwi na. Tanging tinangay ay ang dalawa at iniwan si Santos kaya nagduda ang ginang.
Nabatid base pa rin sa pakikipagtalastasan ni Santos kay Gng. Chuang na humihingi umano ng P300,000 ransom ang mga suspek sa pamilya ng biktima kapalit ng kalayaan ng dalawang kinidnap.
Bunga na rin ng hinala ng mga awtoridad na may kinalaman si Santos sa pagdukot sa bata at sa yaya nito ay ipinasya ng mga itong inspeksiyunin ang tahanan ng suspek. Hindi na nakapiyok si Santos matapos na madiskubre ang bangkay ng mga biktima sa masikip na kisame. Ang dalawang suspek ay kasalukuyan ng nakapiit ngayon sa himpilan ng PAOCTF sa Camp Crame. (Ulat nina Efren Alcantara at Joy Cantos)