Namatay noon din matapos na magtamo ng mga tama ng shrapnel at bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na sina ret. Col. Romeo Porcil, kasalukuyang Chief Security Officer ng Manila Mining Corporation at ang kanyang security/ driver na si Alfonso Gloria.
Batay sa ulat na ipinarating kahapon ng Police Regional Office (PRO) 13 sa Camp Crame, dakong alas- 4:45 ng hapon ng harangin ng mga suspect ang kulay abong Mitsubishi pick-up na may plakang UHP 299 na kinalululanan ng mga biktima sa junction ng national Highway, Sitio Mapaso, Barangay Magsaysay.
Dalawa sa mga suspect ang mabilis na bumunot ng baril at pinaulanan ng punglo ang mga biktima, habang tatlo naman sa mga ito na nagsisilbing back-up ang naghagis ng granada sa sasakyan ng mga nasawi .
Binanggit pa sa ulat na kalalabas pa lamang ng opisina ng mga biktima at patungong Tubod, Surigao del Norte ng maganap ang pananambang.
Ang mga ambushers ay mabilis na nagsitakas matapos ang isinagawang pananambang.
Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang motibo ng pananambang.
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang hot pursuit operations ng mga awtoridad para sa ikadarakip ng mga suspect. (Ulat ni Joy Cantos)