'Backdoor negotiation' sa Sayyaf hiling ng Malaysian gov't

ZAMBOANGA CITY – Hiniling ng Malaysian government na muling buksan sa pamamagitan ng isang ‘backdoor negotiation’ ang pakikipagnegosasyon o pakikipag-usap sa mga bandidong Abu Sayyaf para sa maayos na pagpapalaya sa natitirang mga bihag, kabilang dito ang tatlo pang Malaysian nationals.

Sa isang nakalap na impormasyon, hiniling umano ni Kumander Abu Sabaya sa mga opisyal mula sa bansang Malaysia na kasalukuyan ngayong nasa Zamboanga City na bigyan siya ng pagkakataon na makalabas ng bansa patungong Malaysia para sa isang ‘self exile’ kasama ang bihag nitong si Jeffrey Edward Schilling.

Binanggit pa sa ulat na ang tatlong Malaysians ay nasa kamay naman ni Kumander Ghalib Andang, alyas Kumander Robot.

Ayon kay Malaysian Consul Official Sharuddin Ocsmal na kanilang hiniling kay Lee Peng Wee na tumayo bilang negosyador sa nasabing pakikipagnegosasyon.

Ayon naman kay Lee Peng Wee na hihingi muna siya ng permiso kay AFP Chief of Staff Angelo Reyes hinggil sa naturang panukala, bagamat kanya pa ring irerespeto kung ano man ang magiging desisyon ng nakatataas. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments