Kinilala ni PNPA Director Senior Superintendent Dionisio Coloma Jr., ang mga na-dismiss na mga kadete na sina Alfred Reynald Dauz, Ryan Codamon, Ray Romualdo at Aristotle Banaga.
Ayon kay Coloma, ang pagkakatanggal sa apat na kadete ay bunsod na rin ng kasong conduct unbecoming of a gentleman, abuse of authority, at failure to report serious offenses witnessed by him na isinampa laban sa mga ito.
Ayon sa opisyal, ang pagkakasibak sa mga ito ay alinsunod na rin sa rekomendasyon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Alfredo Lim makaraang personal na ipag-utos ni Pangulong Joseph Estrada ang pagsibak sa 136 PNPA cadets na itinuturong responsable sa nasabing hazing.
Maaalalang kamakailan lamang ay napaulat na ang nasabing mga sinibak na mga kadete ay kasama sa mga nagsagawa ng hazing na nagresulta sa pagkasawi ni Dominante Tunac na isang freshman cadet sa naturang paaralan ng mga pulis.
Nabatid na ang apat na kadete partikular na si Dauz na siyang Cadet First Captain/Corps of Cadet Regimental Commander ang kauna-unahang mga sinibak na mga estudyante ng PNPA sa loob ng 22 taong pagkakatatag nito.
Kasabay nito, nagbanta si Coloma sa lahat ng mga kadete ng PNPA na posible ring hindi na matuloy ang pangarap nilang maging pulis bukod pa sa maari rin silang makulong kung sakaling mapatunayang nilabag ng mga ito ang anti-hazing policy ng akademya. (Ulat ni Joy Cantos)