Militar vs NPA: 3 rebelde natodas, amasona tiklo

Tatlong aktibong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang iniulat na nasawi habang isa namang amasona ang nadakip sa naganap na mainitang engkuwentro sa pagitan ng militar at mga rebelde kamakalawa sa Zamboanga del Sur.

Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Armed Forces Chief Gen. Angelo Reyes, naganap ang insidente dakong ala-1 ng hapon sa Purok Tres, Bgy. Sayog, San Miguel, sa nasabing lalawigan.

Gayunpaman, hindi naman naisaad sa ulat ang mga pangalan ng mga rebeldeng nasawi maging ang amasonang nadakip ng mga awtoridad.

Nabatid na isa umanong patrol operation ang isinasagawa ng mga tauhan ng 51st Infantry Battalion (511B) nang makasalubong nila ang may walong NPA na pinamumunuan ng isang Tata Mingo, alyas Kumander Benzar.

Sa kanilang pagtakbo, tatlo sa kanilang mga kasamahan ang hindi na nagawang makatakas at tuluyan nang nasawi, habang isa namang amasona ang nadakip.

Bukod sa mga nasabing rebelde ay nakakuha rin ang mga militar ng iba’t ibang uri ng kagamitan na pag-aari ng mga NPA tulad ng (1) .30M2 carbine rifle, (1) shotgun, (1) cal. .38 revolver, (2) ICOM handheld radio at ilang mga bala at magazine. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments