Jailguard grabe sa tangkang jailbreak

TAYTAY, Rizal – Isang malawakang jailbreak na dito, tinatayang may 500 preso ang nagtangkang tumakas sa loob ng Rizal Provincial Jail ang nabigo matapos na agad itong masupil ng pulisya ngunit isa namang jailguard ang nasa kritikal na kondisyon matapos na saksakin ng 19 na ulit ng mga bilanggo sa pangunguna ng tatlong kriminal na nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sa bayang ito.

Inilipat na sa Rizal Medical Center ang jailguard na nakilalang si Nilo Gondra na ngayon ay nasa kritikal na kondisyon.

Inilagay naman sa bartolina ang tatlong utak sa tangkang pagtakas na nakilalang sina Rondo Menson, Lastide Sube at Melanio Nagase, pawang may kasong murder.

Ibinartolina rin ang mga presong sumaksak kay Gondra na nakilalang sina Jessie Campo , may kasong rape at murder at si Rechen Berdan na may kasong kidnap-for-ransom.

Nabatid na kamakailan lamang hinatulan ang mga nabanggit na preso ng habambuhay na pagkabilanggo at nakatakda na sanang ilipat ang mga ito sa National Bilibid Prisons sa Muntinlupa.

Sa ulat ng pulisya, nagsagawa ng inspeksyon si Gondra dakong alas-4:30 ng madaling araw kamakalawa nang mapatapat ito sa isang selda. Bigla na lamang siyang kinapitan sa damit at hinaltak ni Campo bago inundayan ng saksak sa katawan. Mabilis namang kinuha ni Berdan ang susi sa bulsa ni Gondra at saka binuksan ang kanilang selda.

Hindi pa nakuntento at pinagsasaksak pa ng mga preso si Gondra habang binuksang lahat ni Berdan ang mga selda ng mga kasamahang bilanggo na pawang mga kasapi sa Sputnik Gang.

Gayunman, mabilis namang natunugan ng mga awtoridad ang nagaganap at agad na pinalibutan ang mga bilanggo kung kaya hindi na nagawa pa ng mga ito na tumakas.

Sa isinagawang inspeksyon nakasamsam ang mga awtoridad ng tinatayang 286 na mga improvised na patalim sa may 518 na preso na nakapiit dito. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments