Batay sa ulat na natanggap kahapon ni AFP Chief of Staff Gen. Angelo Reyes, bandang alas- 6:30 ng umaga kamakalawa nang makasagupa ng mga elemento ng Alpha Company sa ilalim ng 59th Infantry Battalion ang mga miyembro ng ASG .
Kasalukuyang sinusuyod ng tropa ng pamahalaan ang Barangay Puting Buhangin, Talipao, Sulu nang makaengkuwentro ang grupo ng Abu Sayyaf. Tumagal ng mahigit sa labinlimang minuto ang naganap na sagupaan.
Sampung bandido ang agad na bumulagta, subalit siyam sa mga ito ay dinala ng tumakas nilang mga kasamahan.
Dakong alas- 4:35 naman ng hapon ng muling sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng mga elemento ng 23rd Marine Company at ng tinatayang 50 hanggang 70 miyembro ng ASG sa Kugas, Patikul, Sulu na ikinasawi ng isang sundalo at ikinasugat ng dalawa pa.
Nakilala ang nasawing sundalo na si PFC Michael Mique at ang mga nasugatan naman ay nakilalang sina Sgt. Leopoldo Ramos at Cpl. Mariano Jampit.
Nagsasagawa ng clearing operations ang tropa ng pamahalaan ng masagupa ang mga bandido.
Sa pinakahuling update na ipinalabas kahapon ng militar, umaabot na sa 127 miyembro ng Abu Sayyaf ang napaslang, 60 dito ang narekober samantalang 67 pang bangkay ang nagkalat sa masukal na bahagi ng Sulu sa kabuuang 47 naitalang engkuwentro.(Ulat ni Joy Cantos)