Ilang mainstream media iniimbestigahan ng NBI

MANILA, Philippines — Iniimbestigahan ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na ang ilang miyembro ng mainstream media na posible umanong naghahasik ng kaguluhan at sedisyon sa publiko.
“Meron tayong iniimbestigahan na kasama natin, legal, legitimate na media men, pero lumalampas na siya sa parameters,” ani Santiago.
“Yung nagke-create na sila ng disturbance, nag-aangkit na sila na ang tao ay mag-commit ng sedition. Ganon po. Lampas na ‘ho,” dagdag niya.
Sa kabila nito, hindi naman tinukoy ni Santiago kung ilan ang iniimbestigahan.
Ngunit sinabi nito na ang mga miyembro ng mainstream media na ito ay sumobra na sa kanilang mga komento at inaabuso na ang kalayaan sa pamamahayag.
“Halimbawa… sinabi mo ay mali naman si direktor diyan. Dapat ganito, dapat ganito. Okay lang po ‘yun, komentaryo niyo ‘yun. ‘Yun ang inyong naiisip na tama,” ani Santiago.
“Pero ‘yung humantong na sa pinagmumura niyo na ako, kung anu-ano na ‘yung pinagsasabi niyo sa akin, ay lampas na po ‘yun sa parameters ng batas,” paliwanag pa nito.
Ang pahayag ni Santiago ay kasunod ng sinabi ng NBI na tinututukan din nito ang 20 vlogger na nagpapakalat ng fake news sa bansa.
- Latest