6 dayuhan, 2 Pinoy, inaresto sa pag-espiya

MANILA, Philippines — Anim na dayuhan at dalawang Pinoy na sangkot sa pag-eespiya ang naaresto nang pinagsanib na elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI) at Subic Metropolitan Authority (SBMA) sa isinagawang operasyon sa Grande Island, Subic Bay, Zambales nitong Miyerkules.
Ito ang kinumpirma kahapon ng National Defense sa pagkakadakip sa Chinese national na si Qui Feng na ang tunay na pangalan ay Ye Tianwu, gumagamit rin ng alyas na Qing Feng.
Sinabi ni Defense Spokesman Arsenio Andolong na si Ye Tianwu ay inaresto nitong Marso 19 sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay ng paglabag sa Republic Act (RA) 8799 o ang Securities Regulation Code at RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Bukod kay Ye Tianwu ay nadakip rin si Xu Xining; Ye Xiaocan; Su Anlong at He Peng; pawang mga Chinese nationals; Cambodian na si Ang Deck/Dick at ang mga Pinoy na sina Melvin Mañosa Aguillon, Jr. at Jeffrey Espiridion, kapwa empleyado ni Ang Deck/Dick.
Ang Grande Island na malapit sa Subic Bay ay isang istratehikong vintage point na may malinaw na view sa pangunahing sea lanes sa West Philippine Sea (WPS) kabilang ang Bajo de Masinloc.
Narekober sa raid ang samu’t saring mga cellphones at laptops, isang cal. 9 MM at 16 rounds ng mga bala ng 9MM.
“The arrest exposes the unlawful nature, including suspected espionage and kidnapping activities related to Philippine Offshore Gaming Operations (POGO), for which some foreign nationals are using Grande Island under the guise of private enterprises,” anang opisyal.
Sinabi ni Andolong na ang nasabing mga illegal na aktibidades ay bahagi ng mas malaking network operations na nagtatago sa POGOs na isang seryosong banta sa pambansang seguridad.
Inihayag ni Andolong na tinitingnan na ng defense department ang posibilidad na makipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya kabilang sa SBMA upang ideklara ang Grande Island gayundin ang kalapit nitong Chiquita Island bilang military reservation.
- Latest