Bato pinapurihan si SolGen Guevarra
MANILA, Philippines — “Mabuti pa itong Solicitor General alam nila ang kanilang trabaho. Mabuhay po kayo SolGen Guevarra et. al for refusing to defend this abusive government.”
Ito ang naging pahayag ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa bilang reaksyon sa naging posisyon ni Guevarra na huwag katawanin ang Philippine government sa petisyon na inihain ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Supreme Court (SC).
Ayon sa re-electionist senator, ikinalugod at pinuri niya ang pananaw ni Guevarra, na gaya sa paninindigan ni former Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ay itinuturing na “illegal at unconstitutional” ang ginawang pag-aresto kay Duterte at pagdala sa kustodiya ng ICC.
Una nang iginiit ni Dela Rosa na dapat maibalik sa bansa ang dating pangulo dahil ilegal ang ginawang pag-aresto dito sapagkat walang hurisdiksyon umano ang ICC sa Pilipinas dahil sa ginawang pagkalas nito sa Rome Statute.
Samantala, sinabi rin ni Dela Rosa na wala siyang balak sumuko o magpahuli at sa halip ay magtatago na lamang sakaling magpalabas na ng warrant of arrest ang ICC laban sa kanya.
Ipinunto ni Dela Rosa ang kawalan ng hustisya sa bansa kaya walang dahilan para isuko ang sarili.
Nang tanungin kung balak niyang magtago sa mga otoridad, inamin ni Dela Rosa na kasama ito sa kanyang plano.
- Latest