Pangulong Marcos ‘di magdedeklara ng Martial Law!

Sa ikinakasang pro-Duterte rally
MANILA, Philippines — Naniniwala ang isang kongresita na walang planong magdeklara ng martial law na isang malaking “fake news” si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasabay ng paniniyak na matutuloy ang pagdaraos ng Mayo 12, 2025 midterm elections sa bansa.
Ito ang inihayag ni House Majority Floorleader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na iginiit na pawang espekulasyon lamang umano ang mga kumakalat na balita na magdedeklara ng martial law si PBBM para pigilan ang mga pro-Duterte rally.
Ang pro-Duterte rally ay bilang protesta sa pagpapaaresto ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nakapiit na sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong “crime against humanity” bunsod sa libo-libong katao na nasawi sa kanyang madugong “drug war”.
Tiniyak ni Garin sa publiko na tuloy ang Mayo 12 midterm polls at sa katunayan aniya ay abala si Pangulong Marcos sa pangangampanya sa mga kandidato ng Alyansa sa Bagong Pilipinas senatorial candidate pati na rin ang layunin nitong mapababa ang presyo ng mga bilihin.
Nagbabala rin si Garin na ang mga pagpapakalat ng fake news ay maaaring magresulta sa karahasan kasunod ng sinabi ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea na hindi pinangalagaan ang kalusugan ni Duterte.
- Latest