2 Vietnamese na nagpapanggap na doktor, inaresto

MANILA, Philippines — Dalawang babaeng Vietnamese national na nagpapanggap na mga doktor ang naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang entrapment operation sa Quezon City.
Ayon kay CIDG Director Police Major General Nicolas Torre III, naaresto ng mga tauhan ng CIDG Quezon City District Field Unit ang mga suspek na kinilalang sina Linh at Phoung, pawang Vietnamese national na nagpanggap na mga cosmetic surgeon.
Nabatid na isang entrapment operation ang isinagawa ng CIDG sa clinic ng mga ito sa Bliss Beauty na matatagpuan sa kahabaan ng Don Roces Avenue sa Quezon City.
Napag-alaman na nagpapakilala ang mga suspek sa kanilang mga kliyente na medical surgeon at nagsasagawa ng breast at butt augmentation, subalit nang hanapan ng lisensya ay wala namang maipakita ang mga ito.
Nakakuha rin ang mga tauhan ng CIDG ng iba’t ibang klase ng medical products at mga prescription drugs, gayundin ang ilang medical supplies na aabot sa P500,000 ang halaga.
Nakakulong na ang mga suspek at sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 2382 o medical malpractice act.
- Latest