Makatotohanang ‘living wage’ isusulong ng Trabaho Partylist
MANILA, Philippines — Muling ipinahayag ng Trabaho Partylist ang kanilang dedikasyon sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay at katatagan ng pananalapi ng mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng pagsusulong ng mas mataas na sahod, pinalawak na benepisyo, at mas magandang akses sa abot-kayang pautang sa pabahay.
Kasunod ito ng mga ulat tungkol sa lumalalang suliranin sa pagmamay-ari ng bahay sa bansa, dulot ng patuloy na pagtaas ng halaga ng mga ari-arian at pananatiling mababang sahod ng mga manggagawa.
Ayon kay Trabaho Partylist spokesperson Atty. Mitchell-David L. Espiritu, patuloy na lumalaki ang agwat sa pagitan ng kinikita ng mga manggagawa at gastusin sa pabahay.
Kaya’t isinusulong ng Trabaho Partylist ang isang makatotohanang “living wage” na hindi lamang sasapat sa pang-araw-araw na pangangailangan kundi pati na rin sa pangmatagalang layunin gaya ng pagmamay-ari ng bahay.
Aniya, ang kasalukuyang mababang sahod ay isang pangunahing hadlang sa pagkamit ng katiyakan sa pananalapi ng maraming Pilipino.
Sinusuportahan nila ang pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), at Pag-IBIG upang makapagtatag ng mas inklusibong mga programa sa pabahay.
- Latest