TRABAHO Partylist, suportado ang $500 milyong ADB loan
MANILA, Philippines — Inanunsyo ng TRABAHO Partylist ang buong suporta nito sa pag-apruba ng Asian Development Bank (ADB) ng isang $500-milyong pautang na layong palakasin ang labor market sa Pilipinas. Ang naturang pautang ay gagamitin upang pondohan ang mga pangunahing inisyatiba na magpapalawak ng mga oportunidad sa trabaho at magpapatibay ng mga polisiya sa labor market, lalo na’t patuloy ang bansa sa pagbangon mula sa mga ekonomikal na epekto ng COVID-19 pandemic.
Ang nasabing pondo ay ilalaan sa mga programang nakatuon sa pagpapabuti ng kakayahan ng mga manggagawang Pilipino, pagpapahusay ng serbisyo sa pag-match ng trabaho, at pagsusulong ng mga reporma sa labor market.
Ipinahayag ni Atty. Mitchell-David L. Espiritu, tagapagsalita ng TRABAHO Partylist, ang pag-asa na ang proyektong pinondohan ng ADB ay tutugon sa mga isyung kinahaharap ng bansa, tulad ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga underemployed at ang lumalawak na gap sa kasanayan sa labor force.
Ayon pa kay Atty. Espiritu, ang inisyatibang ito ay akma sa mga layunin ng kanilang partido na magbigay ng mas magagandang oportunidad para sa mga Pilipino sa iba’t ibang sektor, lalo na sa harap ng mga pagbabago sa pandaigdigang labor market at mga makabagong teknolohiya.
- Latest