Babae tigok, 5 pasahero sugatan sa holdap
Holdaper bugbog-sarado…
MANILA, Philippines — Isang babaeng pasahero ang nasawi habang sugatan ang limang iba pa matapos silang tumalon mula sa sinasakyang pampasaherong jeep na hinoldap sa Commonwealth Avenue, Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Naisugod pa ang 29-anyos na babaeng biktima sa ospital pero idineklarang dead-on-arrival.
Sa salaysay sa pulisya ng jeepney driver, bago naganap ang panghoholdap, alas-9:20 ng gabi ay galing siyang Lagro at patungong Cubao ng may isang lalaki na sumakay sa area ng Don Fabian at ilang saglit ay nagdeklara ng holdap.
“Ipinakita niya lang ‘holdap ito amin na ‘yung mga bag nyo’ ikang ganon. ‘Yung babae nanlalaban ayaw ibigay ‘yung bag niya kasi andoon daw ‘yung id niya eh inambahan ‘yung babae sasaksakin baga kaya ibinigay na niya,” sabi ng jeepney driver na si Edgardo Cabiente.
Hindi pa matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng nasabing pasahero.
Samantala,tumalon ang ilang pasahero maging ang kinakasama ng jeepney driver dahil dala-dala niya sa bag ang halos P1,000 na kita sa pamamasada.
Tumakas ang salarin pero nahabol siya at binugbog ng taumbayan. Nabawi sa kanya ang bag ng nasawing biktima at ginamit na patalim.
Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang 54-anyos na suspek na mahaharap sa mga reklamong robbery with homicide and physical injuries.
- Latest