Pangulong Marcos balak gawing buwan-buwan ang job fair
MANILA, Philippines — Nais ng gobyerno na magsagawa ng job fair kada buwan upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng trabaho.
Ito ang inihayag kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos pangunahan ang Jobstreet Career Con 2025 sa SMX Convention Center, Pasay City.
Sa kanyang talumpati, ipinagmalaki ng Pangulo na mababa na ang unemployment rate at nabawasan na ang mga Pilipinong walang trabaho kaya magtuloy-tuloy ang pag-aalok ng gobyerno ng hanapbuhay sa pamamagitan ng job fair.
Sinabi ng Presidente na kung maganda ang magiging resulta ng pilot project ay magiging madalas na ang pagbubukas ng job fair.
Hindi lamang aniya sa Metro gagawin ang jobs fair kundi sa ibang mga lugar din sa probinsiya upang hindi na kailangang lumuwas pa ng Metro Manila ang mga naghahanap ng trabaho.
“Subukan nating dalasan. Kaya medyo pilot event ito. Kung maganda ang maging resulta, ang plano talaga natin gagawa kami ng isang ganito bawat buwan,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Hindi lamang aniya dito sa Maynila para hindi na kailangang pumunta dito ang mga nais na mag apply mula sa iba’t ibang probinsya.
Sa ginanap na job fair nitong Miyerkules, 18,000 ang nagparehistro para maghanap ng trabaho mula sa iba’t ibang lokal na kumpanyang nagbukas ng oportunidad.
- Latest