Farmers kay Pangulong Marcos: Presyo ng bigas tutukan, hoarders hulihin
MANILA, Philippines — “Tutukan ang usapin sa presyo ng bigas, at bumuo ng ‘national council’ ang mga ahensya ng pamahalaan para tuluyang masugpo ang smuggling, hoarding at profiteering sa bansa.”
Ito ang panawagan ng grupo ng mga magsasaka partikular ang AGAP Party-list kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sinabi ni AGAP Partylist Rep. Nicanor “Nikki” Briones, ng Batangas na hindi ramdam ng publiko ang pagbaba ng presyo ng lokal na bigas sa bansa, at ang imported rice lamang ang bumaba, sa kabila ng mga hakbang ng gobyerno ukol sa nasabing isyu.
Nagtataka rin ang mga magsasaka kung bakit hindi pa bumaba ang presyo ng local rice kahit na bumaba na ang taripa at bumaba na rin ang presyo nito sa world market.
Sinabi pa ni Briones na kailangan nang maparusahan ang mga hinihinalang cartel at rice manipulators sa bansa.
Matatandaang naharang kamakailan ng Bureau of Customs (BOC) ang pagpasok ng 21 containers ng smuggled frozen mackerel galing China sa Manila International Container Port (MICP) at sinampahan na ng kaso ang may-ari nang nagpuslit ng frozen mackerel na Pacific Sealand Foods Corporation na sina Tianding Cai at Maria Theresa Cai kaya hiniling na maglabas ng hold departure order para hindi makalabas ng bansa.
- Latest