Mabilog binigyan ng executive clemency ni Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Ginawaran ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng executive clemency si dating Iloilo Mayor Jed Patrick Mabilog, na na-dismiss sa serbisyo ng Ombudsman dahil sa kasong katiwalian.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Si Mabilog ay tinanggal sa serbisyo noong October 2017 matapos mapatunayang guilty ng serious dishonesty dahil sa umano’y pakikialam nito sa awarding ng government contract sa isang towing services company.
Kinansela rin ng Ombudsman ang civil service eligibility ni Mabilog, retirement benefits at perpetual disqualification na humawak ng anumang pwesto sa gobyerno.
Nag-ugat ang kaso sa isinampang serious dishonesty at conduct prejudicial to the best interest of the service ni dating Iloilo Provincial Administrator Manuel Mejorada.
Kinuwestyun ni Mejorada ang paglobo ng yaman ni Mabilog nang mahigit P8.9 milyon sa loob lamang ng isang taon.
Matatandaang nagtago rin sa ibang bansa si Mabilog matapos idawit sa illegal drug trade noong panahon ng Duterte administration at bumalik lamang sa bansa noong nagpalit na ng administrasyon.
- Latest