Nabitin sa paliligo, nagalit
MANILA, Philippines — Namatay habang ginagamot sa ospital ang isang kawani ng resort nang siya ay pagbabarilin at pagtatagain ng tatlong kasama sa trabaho na nagalit sa umanoy pagpapaahon sa kanila habang naliligo sa swimming pool ng kanilang pinapasukang resort sa Silang, Cavite, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Dionisio Cabcaban, isa sa mga stay-in employees ng Hacienda El Vinarios resort na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Habang nasugatan din ang isang katrabaho na si Emelinda Bacordo dahil sa mga tama ng bala ng armalite at taga.
Agad na naaresto ang isa sa tatlong suspek na si alyas Carlo, habang ang dalawa pang suspek na sina alyas Jabbar at alyas Rico ay kasalukuyang tinutugis ng mga otoridad.
Bago ang nangyari ang krimen, alas-9:15 ng gabi ay magkasamang nag-iinuman ang mga biktima at tatlong suspek sa loob ng resort nang maisipan ng mga huli na maligo sa pool.
Ilang minuto pa lang lumalangoy ang mga suspek sa pool nang pagsabihan sila ng dalawang biktima na umahon na dahil sa tagubilin ng may-ari sa kanila na linisin ang pool bago dumating ang mga bisita.
Ikinagalit ng mga suspek ang pagpapaahon sa kanila at tumuloy sa pool area na kung saan pagbalik ng suspek na si Carlo ay armado na ng M16 rifle at pinagbabaril ang dalawang biktima.