Mag-asawa pinagbabaril, todas
MANILA, Philippines — Patay ang mag-asawa habang ligtas ang kanilang apat na taong gulang na anak na babae matapos silang pagbabarilin ng hindi pa kilalang gunman, iniulat kahapon sa Zamboanga City.
Kinilala ang nasawi na sina Fathie Bara Loong, negosyante at misis nitong si Bai Rivalia, habang ligtas naman ng kanilang anak na babae at kapwa mga residente ng Barangay Boalan, Zamboanga City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ng van, nagtungo ang mag-asawa sa construction site na ginagawang bago nilang tindahan ilang metro ang layo sa kanilang tahanan.
Pagdating sa nasabing lugar, bumaba si Fathie para mag-inspeksyon, subalit bigla na lamang itong nilapitan ng armadong suspek at pinagbabaril saka sunod namang binaril-patay ang kanyang misis na nasa loob ng van.
Matapos ang krimen, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon habang dinala naman sa ospital ang mag-asawa, subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ang mga ito ng hininga.
Inaalam na ng mga otoridad ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agarang pagdakip.
- Latest