30 bahay sa Isla Puting Bato, naabo
MANILA, Philippines — Halos tatlumpung bahay sa Purok 5 ng Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila ang nasunog, kahapon ng alas-2:00 ng madaling araw.
Mabilis kumalat ang apoy sa mga bahay na gawa sa light materials, dahilan upang itaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang ikalimang alarma.
Mahigit 60 fire truck ang rumesponde, at gumamit din ng fire boat mula sa Manila Bay upang masugpo ang apoy. Dahil nasa dulo ng residential area ang Purok 5, naglagay ng mga fire truck sa compound ng Manila International Container Terminal (MICT).
Binutas pa ng mga residente ang pader ng MICT upang makalikas nang mas mabilis. Inabot ng mahigit dalawang oras bago tuluyang naapula ang apoy.
Ayon kay Fire Sr. Insp. Alejandro Ramos, nahirapan ang operasyon dahil makitid ang mga daanan, at mataas ang pader ng MICT. Patuloy namang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog, na maaaring nagmula sa nag-overheat na appliances.
- Latest