Ex-President Duterte sinungaling! – Marcos
MANILA, Philippines — Tinawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sinungaling si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pinapalitaw nito na may mga blangkong line items sa 2025 national budget.
Sa ambush interview sa Pangulo sa Taguig City nitong Lunes ng umaga, sinabi nitong batid ng dating Presidente na hindi puwedeng ipasa ang General Appropriations Act (GAA) na may blangkong line item at alam ni Duterte na hindi kailanman nangyari ito.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na sa buong kasaysayan ng Pilipinas ay hindi pinapayagang magkaroon ng item sa GAA na hindi nakalagay kung anong proyekto at sa kung saan gagastusin ang pondo.
Mayroon aniyang kopya sa website ng Department of Budget and Management (DBM) kayat hinimok ng Presidente ang mga kritiko at publiko na tingnan kung may makikitang blangkong line item tulad ng nais palitawin ng dating Pangulo.
Matatandaang inihayag ni Duterte na mayroon umanong mga blangkong line items sa pinirmahan ni Pangulong Marcos Jr. sa 2025 national budget na tila umano blangkong tseke para magamit sa mga gustong alokasyon.
Nauna nang nilagdaan ni Marcos noong Disyembre 30 ang nasa P6.326 trilyong budget para sa taong 2025.
- Latest