Secret POGO hub ni-raid: 32 dayuhan timbog!
MANILA, Philippines — Nasa 32 dayuhan ang arestado makaraang salakayin ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isa pang POGO hub na palihim na pinatatakbo sa Parañaque City, kamakalawa ng gabi.
Iniulat ni BI Intelligence division chief Fortunato Manahan Jr. na ang mga naarestong dayuhan ay napag-alamang nagtatrabaho sa online gaming at scamming operations sa isang gusali sa Aseana Enclave sa Parañaque City ng gabi ng Enero 17.
Inaresto ng BI ang 20 Chinese, 11 Malaysians, at 1 Cambodian matapos masubaybayan ng mga operatiba ang mga ilegal na aktibidad, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa love scam, sa kanilang gusali.
Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).
Pinuri ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mga operasyon, at sinabing magpapatuloy ang kanilang pinaigting na kampanya laban sa mga ilegal na POGO.
“Maging babala ito sa mga dayuhang mamamayan na tahasang nagpapatuloy sa ilegal na operasyon sa kabila ng pagbabawal ng Pangulo,” ani Viado. “Hindi kami titigil hangga’t hindi nahuhuli at nade-deport ang lahat ng ilegal na dayuhan,” babala niya.
Sinabi ng BI na inaasahan ang higit pang pag-aresto at pagpapatapon, kasunod ng pagbabawal ng Pangulo sa operasyon ng POGO sa buong bansa.
Ang 32 dayuhan ay mananatili sa physical custody ng NBI habang sumasailalim sa deportation proceedings sa BI.
- Latest