Nuisance candidacy, gawing krimen – Comelec
MANILA, Philippines — Nanawagan ang Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado para sa kriminalisasyon ng nuisance candidacy sa gitna ng pagkasayang ng nasa 6 na milyon na naimprentang balota.
“.. nuisance candidacy, dapat gawing criminal ‘yan. Kung hindi kulong, dapat patawan ng multa bilang parusa,” pahayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, sa panayam ng SuperRadyo DzBB nitong Sabado.
Una nang naglabas ng temporary restraining order ang Supreme Court (SC) laban sa diskwalipikasyon ng dalawang senatorial aspirant na sina Subair Guinthum Mustapha at dating Caloocan City Representative Edgar Erice kaya nagpasiya ang Comelec na itigil ang pag-imprenta ng official ballots, kung saan may 6 na milyon nang nakumpleto.
Nasundan pa ito ng isang desisyon ng SC, na batay sa isang press statement nitong Biyernes, na pinatigil din nito ang Comelec sa pagpapatupad ng mga desisyon nito laban sa tatlong aspirante sa lokal na posisyon.
Iginiit ni Garcia na nakasaad sa Omnibus Election Code na ang nuisance candidacy ay isang “legal” at “constitutional” na usapin.
Kahit wala pa aniyang, natatanggap na kopya ng TRO ang Comelec kaugnay sa ilang kandidato na naideklarang nuisance, agad na niyang pinahinto ang pag-iimprenta sa balota.
Nitong Biyernes ay sinimulan na ang paghahakot ng nasayang na mga balota patungo sa warehouse sa Sta. Rosa, laguna, kung saan ito idaraan sa paper-melting process.
- Latest