72-anyos lola, kinatay ng 33-anyos dyowa!
Dahil sa katatalak sa selos at pera…
MANILA, Philippines — Dahil sa pinaniniwalaang pagbubunganga dulot ng matinding selos at pera, pinatay sa saksak ang isang 72-anyos na matandang babae ng 33-anyos nitong live-in partner sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. Panacol, Aguilar, Pangasinan, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Sa report ng Pangasinan Provincial Police Office (PPO), dead-on-arrival sa opsital ang biktima na si Lydia Soriano, residente ng nasabing lugar.
Ang suspect ay nakilala namang si Ron-Ron Veloria ng Brgy. San Gabriel, Bayambang, Pangasinan.
Base sa testimonya sa mga awtoridad ng ilang kapitbahay ng biktima na nakasaksi sa pangyayari, narinig nilang nagtatalo ang biktima at si Veloria na umuwing lasing.
Nabatid na nagseselos ang matandang babae dahil hindi nito matanggap na nanliligaw sa ibang babae ang live-in partner kaya nagbunganga ito at sinisingil na rin ang nasabing suspect sa ipinautang nito sa kaniyang P13,000.
Sa gitna ng matinding pagtatalo, nagdilim ang isip ng suspect at pinagsasaksak ang kinakasamang matanda saka mabilis na tumakas. Nasakote naman sa follow-up operations ng mga awtoridad ang suspect sa bahay nito sa Bayambang, Pangasinan, kamakalawa.
Sa pahayag ni Melly Soriano, anak ng matanda determinado siyang sampahan ng kasong kriminal ang suspect.
Sa teorya ng mga awtoridad ang pagbubunganga ng matanda at paniningil nito ng pautang na P13,000 ang nakikita nilang motibo sa krimen.
Narekober ng mga awtoridad sa crime scene ang patalim na ginamit sa pananaksak sa matanda.
- Latest