Traysikel, hulog sa irigasyon; 6 utas
MANILA, Philippines — Patay ang anim katao na sakay ng traysikel nang mahulog sa malalim na irigasyon sa Barangay Baloc, Sto. Domingo, Nueva Ecija, noong Huwebes ng hapon.
Ayon sa pulisya, tatlo sa mga nasawi ay mga mag-aaral sa elementarya at kasama ang kanilang mga tiyahin na sumundo sa paaralan dakong alas-6:00 ng gabi.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na kumalas umano ang flatbar na nagdurugtong sa motorsiklo at sa sidecar nito na naging dahilan umano sa pagkawala sa kontrol ng manibela at magdire-diretso sa irigasyon.
Hindi pa inilalabas ng pulisya ang mga pangalan ng mga biktima, ngunit nabatid na ang dalawang nasawi ay may edad na 59 at 49 anyos, habang ang tatlong mag-aaral ay may edad umano na 7, 8 at 9 na taong gulang.
Nagtulung-tulong ang mga nakatira malapit sa pinangyarihan ng aksidente sa pagsagip sa mga biktima habang hinihintay ang mga rescuer na galing sa Bureau of Fire Protection (BFP).
- Latest