Sekyu na sumipa sa batang babae na sampaguita vendor, ‘sinipa’ na sa trabaho
MANILA, Philippines — Nasibak sa trabaho ang guwardiya ng isang kilalang mall sa Mandaluyong City matapos na sirain ang paninda ng isang estudyanteng sampaguita vendor ay sinipa pa ito.
Kinumpirma ng pamunuan ng SM Supermalls, na sinibak na nila sa trabaho ang naturang guwardiya, na nakatalaga sa SM Megamall, na matatagpuan sa Ortigas Center sa Mandaluyong City dahil sa naturang insidente.
Mariin ding kinondena ng SM Supermalls ang pangyayari at nakisimpatiya sa sampaguita vendor.
Siniguro rin nito na paiimbestigahan ang insidente at hindi na pahihintulutan pa ang guwardiya na magserbisyo sa alinmang mall nila.
“We have called the attention of the security agency to conduct an immediate and thorough investigation. The Security Guard has been dismissed and will no longer be allowed to service any of our malls,” pahayag pa nito sa isang Facebook post.
Nauna rito, nag-viral sa social media ang isang video kung saan makikita ang batang babae, na nakasuot pa ng school uniform at may dalang bag, habang nakaupo sa hagdan sa labas ng malls at nagtitinda ng sampaguita.
Nilapitan ito ng guwardiya at pinagsabihang umalis sa lugar.
Nang tumanggi ang bata, hinablot ng guwardiya ang paninda nito, sanhi upang masira ang mga ito.
Gumanti naman ang bata sa guwardiya at pinaghahampas ito ng sampagita sa mukha.
Dito na sinipa ng guwardiya ang bata habang pilit na pinapaalis.
Umani naman ng negatibong reaksiyon sa mga netizen ang ginawa ng guwardiya sa bata, na nagresulta sa pagkasibak nito sa trabaho.
- Latest