12 Chinese nationals arestado sa POGO hub
5 Pinoy inaresto sa panunuhol…
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI) ang 12 Chinese nationals na naaktuhan na nagsasagawa ng scamming sa Parañaque City, na nasundan pa ng pag-aresto sa 5 Pinoy na may dalang panuhol para pakawalan ang mga dayuhan sa mismong NBI headquarters sa Pasay City, kamakailan.
Iniharap kahapon ng NBI-Cybercrime Division (CCD) at NBI-Special Task Force (STF), sa pangunguna ni Director Judge Jaime B. Santiago ang mga inarestong sina Xu Chao, Meng Wei Shi, Xing Chao, Quin Hai Feng, Li Xiang Hua, Zhang Wei, Wang Qin Xiang, Wang Jia Fa, Jiang Qi Long, Luo Shang Fen, Qixin Wang at Chen Jiang Song na isinailalim na sa inquest proceedings sa Parañaque City Prosecutor’s Office.
Nang pabalik na sa NBI headquarters ang mga operatiba, nilapitan umano ng isang Ezechiel Bernales, na nagboluntaryong interpreter, at nagsabi na handang magbigay sina Wang Qin Xiang at Qixin Wang ng tig-P300,000.00 sa bawat nadakip na kababayan nila.
Agad ikinasa ang entrapment, at bandang hapon nang dumating ang tatlong sasakyan at nag-abot ang isa sa driver ng eco bag na naglalaman ng P900,000.00, kaya agad dinakip sina Robustiano Hizon, John Abunda Villanueva Kristoffer Ryan Habelito Baguna at Hanif Mala Bautil.
- Latest