Utak sa pagdukot at pagpatay sa trader, tiklo
Sangkot din sa pagpatay sa kapatid ng aktres…
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang umano’y utak sa pagdukot at pagpatay sa isang negosyante noong nakaraang linggo sa isang fastfood chain sa Mandaluyong City nitong Biyernes.
Sinabi ni QCPD Director PCol. Melecio Buslig, Jr. na agad na nagsagawa ng follow-up operation ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa isang fastfood chain sa Wack Wack, Mandaluyong City na nagresulta sa pagkakaaresto kay Victor Vidal Dueñas, 62, alyas John Paul Dwight at residente ng Ayala Alabang, Muntinlupa City na itinuturong mastermind ng mga unang naarestong suspek na sina Noli Cape, 29 at Mervin Armas, 44.
Nabatid na nakatanggap ng tawag si Cape mula kay Duenas at nagkasundo na ibibigay ang kabuuang bayad sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si William Pascaran, Sr., 62.
Si Pascaran ay sinakal at pinatay habang nakaposas ang mga kamay saka isinako at inilibing ng mga suspek sa isang bakanteng lote sa Barangay Minuyan Proper, San Jose Del Monte, Bulacan.
Ibinunyag ni Cape na inutusan sila ni Duenas na imonitor ang kilos ng biktima at magpanggap na buyer ng mga isdang tilapia.
Nais din umano ni Duenas na makuha ang titulo ng lupa ng fish farm ng biktima at nang hindi maibigay ay inutos ng una na patayin si Pascaran at dalhin sa ibang lugar. Si Duenas ay positibong ring itinuro ng aktres na si Rochelle Barrameda na suspek sa pagpatay sa kanyang kapatid na si Ruby Rose Barrameda noong 2007 na isinilid ang katawan sa drum at inilubog sa ilog sa Navotas City.
Subalit, ayon kay Rochelle kilala niya si Duenas bilang Lope Jimenez na isang fishing magnate na mga alyas John Paul Dwight at Lope Jimenez na tiyuhin ng asawa ni Ruby Rose na si Manuel Jimenez, III.
Nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang tunay na motibo ng pamamaslang sa biktimang si Pascaran habang patuloy ang mahunt laban kina alyas Jonel, alyas Jervin at alyas Jerwin.
- Latest