Babae na may baong P24 milyong cocaine, nadakma sa NAIA
MANILA, Philippines — Isang 29-anyos na babae ang inaresto ng mga tauhan ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group makaraang tangkain nitong magpuslit ng higit P24 milyong halaga ng cocaine sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang suspek ay naaresto sa international arrival area ng Terminal 3, alas-8:00 ng gabi nitong Huwebes.
Sa inisyal na ulat, nakumpiska sa nasabing suspek ang nasa 4.57 kilo ng cocaine, na may halagang P24.2 milyon na nakatago sa dalawang bag, kasama ang mga mobile phone, travel documents, at identification card.
Nangyari ang operasyon sa customs exclusion room sa NAIA Terminal 3, kung saan napansin ng isang Customs X-ray inspector sa pag-scan na naglalaman ng kahina-hinalang substance ang bagahe ng suspek.
Agad na isinagawa ang K9 inspeksyon kung saan nagpahiwatig ito ng pagkakaroon ng narcotics sa loob ng bagahe, na nag-udyok sa mga otoridad na buksan ito. Ang powdery substance na kanilang natuklasan ay kalaunan nakumpirma bilang cocaine.
Batay sa kanyang flight details, dumating ang suspek sa pamamagitan ng Ethiopian Airlines mula Sierra Leone sa West Africa na may connecting flight sa Addis Ababa, Ethiopia patungong Maynila. Ang mga nasabat na droga ay dinala sa PDEA para sa dokumentasyon at disposition procedures.
- Latest