Higit 8 milyong deboto dumagsa sa Traslacion 2025
Naging mapayapa…
MANILA, Philippines — Aabot sa mahigit 8 milyong deboto ang lumahok sa katatapos na Traslacion ng Poong Hesus Nazareno na inabot ng higit 20 oras bago tuluyang naibalik sa Quiapo Church.
Sa datos na inilabas ng Quiapo church officials, tinatayang aabot sa kabuuang 8,124,050 ang mga debotong nakiisa sa Pista ng Hesus Nazareno.
Nabatid na sa Quirino Grandstand pa lamang kung saan idinaos ang Pahalik at midnight mass ay nasa 1,290,590 na ang debotong naitala, 387,010 naman sa Central at 6,446,450 sa Quiapo Church.
Sa pagtaya naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hanggang 1:29 ng madaling araw nitong Biyernes ay nakapagtala sila ng aabot sa 8,093,850 deboto na dumalo sa prusisyon na base sa naitalang datos mula sa tatlong lugar na kanilang minonitor.
Ayon sa mga otoridad, ang Traslacion 2025 ang isa sa maituturing na pinakamahabang prusisyon para sa Nazareno matapos abutin ng 20 oras, 45 minuto, at apat na segundo, bago maibalik sa Quiapo Church mula sa Quirino Grandstand.
Sinimulan ito ganap na alas-4:41 ng madaling araw ng Huwebes at nagtapos ganap na ala-1:26 ng madaling araw kahapon.
Samantala, iniulat ng Manila Police District (MPD) na naging mapayapa ang Traslacion 2025 na walang naitalang malubhang pinsala o hindi kanais-nais na insidente.
- Latest