Pinakamaraming naipasang panukala naitala ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Romualdez
MANILA, Philippines — Naitala ng Kamara de Representantes, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang bagong rekord sa pinakamaraming naipasang panukalang batas, isang patunay ng pagiging produktibo ng Mababang Kapulungan ngayong 19th Congress.
Ang naabot ng Kamara ay nagtataas sa standard na dapat sundan ng mga mambabatas sa hinaharap at nagtataas sa reputasyon ng Kamara bilang isang kapulungan na umaaksyon ng may resulta.
Mula sa pagbubukas ng 19th Congress noong Hulyo 25, 2022 hanggang Disyembre 27, 2024, umabot sa 13,454 ang mga inihaing panukala sa Kamara. Sa bilang na ito 1,368 ang naaprubahan kung saan 166 ang naging batas—73 ang national laws at 93 local laws.
Sa naihaing 13,454 panukala, 11,241 ang bills, 2,212 ang resolusyon, at isa ang petisyon. Nasa 1,319 committee report naman ang nahain sa nabanggit na panahon.Sa loob ng 178 session days, naiproseso ng Kamara ang 4,760 panukala o average na 12 panukala kada sesyon.
Bukod sa pagpasa ng mga panukalang batas, nagsagawa rin ng imbestigasyon ang Kamara upang mapanagot ang mga opisyal ng gobyerno na mali ang ginagawa. Pinagtibay nito ang siyam na committee report mula sa mga isinagawang imbestigasyon, na nagpatibay sa pagiging isang guardian ng public trust ng Kamara.
Sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez, naipakita ng Kamara na ito ay isang haligi ng integridad, inobasyon, at mga resulta. Ang naabot nitong tagumpay ay magsisilbi umanong pamana at patunay sa mahalagang papel na ginagampanan ng lehislatura sa paghubog ng isang matatag at inklusibong Pilipinas.
- Latest