15-anyos pumalag sa rape tinarakan sa leeg, utas!
MANILA, Philippines — Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang 15-anyos na dalagita sa kamay ng isang umano’y adik na lalaki, makaraan siyang saksakin sa leeg nang manlaban sa tangkang panggagahasa kamakalawa ng hapon sa Sitio Campalacio, Barangay Anonang, Mulanay, Quezon.
Ang biktima ay itinago sa pangalang “Angelita”, Grade 10 student at residente sa nasabing barangay habang tinutugis ng pulisya ang tumakas ang suspek na si alyas “Marcelo”, ng Barangay Magsaysay, Mulanay, Quezon.
Base sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-4:30 ng hapon, nakita ng isang magsasaka ang biktima na umiiyak at humihingi ng tulong dahil sapilitang kinakaladkad ng suspek patungo sa kagubatan.
Sa puntong iyon, humingi ng tulong ang saksi sa mga kapitbahay subalit pagdating nila sa lugar ay natagpuan na nila ang biktima na wala nang buhay habang naliligo sa sariling dugo at may malalim na saksak sa leeg.
Nakita pa umano ng mga residente ang salarin na naglalakad papatakas patungo sa bulubunduking bahagi ng Barangay Bolo ng nasabi ring bayan.
Ayon sa pulisya, may posibilidad na tinangkang halayin ng suspek ang biktima at nang pumalag ito sa pamamagitan ng pagsigaw at paghingi ng saklolo ay tinuluyang paslangin.
- Latest