534 nasugatan sa paputok sa bisperas ng Bagong Taon - DOH
MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Department of Health (DOH) na may naihabol pang 188 na kaso ng nabiktima ng paputok o fireworks-related injuries (FWRIs) nitong bisperas ng Bagong Taon kaya’t umaabot na sa 534 ang kabuuang FWRIs sa bansa.
Simula lamang Disyembre 22, 2024 hanggang 6:00 ng umaga ng Enero 2, 2025, base sa datos mula sa 62 sentinel sites na binabantayan ng ahensiya.
Paglilinaw naman ng DOH, ang naturang bilang ay 9.8% pa ring mas mababa kumpara sa 592 total FWRIs na naitala nila sa kahalintulad na petsa sa pagsalubong noong 2024.
Bukod dito, mayroon ring nadagdag na tatlong biktima na nasugatan sa pagpapaputok nitong gabi ng Enero 1, 2025 lamang habang tatlo rin naman ang nadagdag na nasugatan sa pagpapaputok ng mga nakalipas pang araw ngunit nitong Huwebes lamang naiulat.
Ayon pa sa DOH, ang mga nasabugan ng paputok ay nagtamo ng pagkasunog ng balat habang 28 ang sumailalim sa amputation o pagputol ng bahagi ng katawan.
Nasa 322 sa mga biktima ay nagkaka-edad lamang ng 19-taong gulang pababa habang 443 naman ang mga lalaki.
Anang DOH, sa ngayon ang kuwitis na ang nangungunang dahilan ng pinsala ng paputok, sumunod ang boga, mga di kilalang paputok, 5-star at whistle bomb.
- Latest