Ilang araw bago ang New Year: Bilang ng mga naputukan, pumalo na sa 69
MANILA, Philippines — Matapos ang pagdiriwang ng Pasko ay iniulat ng Department of Health (DOH) na nakapagtala pa sila ng 26 bagong kaso ng paputok sa bansa.
Bunsod ng mga naturang bagong kaso, umaabot na ngayon sa 69 ang naitatalang fireworks-related injuries (FWRI) ng DOH sa bansa, mula noong Disyembre 22 hanggang 6:00AM ng Disyembre 26, base sa ulat ng kanilang 62 sentinel sites.
Ayon sa DOH, 58 sa mga biktima ay nagkakaedad lamang ng 19-taong gulang pababa habang ang 11 naman ay nagkakaedad ng 20-taong gulang pataas.
Nasa 65 ng mga biktima ay mga lalaki habang apat naman ay mga babae.
Ang 51 naman sa mga biktima o 74% ng mga FWRI cases ay pawang active users ng paputok.
Iniulat din ng DOH na 59 o 86% ng total cases na nasangkot sa pagpapaputok ay gumamit ng mga ilegal na paputok, gaya ng boga.
Sa datos ng DOH, nabatid na ang naturang kaso ay mas mababa o kalahati lamang ng 52 kaso na naitala noong nakaraang Pasko.
- Latest