Rider patay, angkas sugatan sa trak
MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang 19-anyos na lalaki habang malubhang nasugatan ang babaeng angkas matapos ang kanilang sinasakyang motorsiklo ay bumangga sa nakaparadang trak sa gilid ng San Narciso-San Andres National road na sakop ng Barangay San Juan, Quezon noong Pasko ng gabi.
Ang biktima na nasawi dahil sa matinding sugat na tinamo sa ulo ay kinilalang si alyas Leonard, 19, poultry worker habang patuloy na nilalapatan ng lunas sa nasabing ospital dahil sa mga sugat sa katawan ang angkas na si alyas Chen-Chen, 17, pawang mga residente ng Barangay Vigo Central.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-7:10 ng gabi ay minamaneho ni Leonard ang motorsiklo at nakaangkas si Chen-chen at pauwi na umano sila nang hindi napansin ang nakaparadang wing van truck sa shoulder ng kalye kung kaya’t natumbok ang hulihang bahagi nito.
Inaalam pa ang pangalan ng tsuper ng trak na wala sa lugar nang mangyari ang aksidente upang papanagutan sa pangyayari.
- Latest