MANILA, Philippines — Muling isinusulong ng Albay Blue Lane (ABL) Inc., isang “non-government organization” (NGO), ang pinasimulan nitong konsepto at pangkaunlarang programang ‘blue economy’ na naglalayong pangalagaan ang kalikasang yaman at pasulungin ang mga pamayanan sa tabing dagat ng Albay.
Nagpulong kamakailan ang naturang NGO sa Pacific Blue Dive Center dito upang muling tutukan at tiyakin ang wasto at mabisang pangangalaga sa “world class biosphere reserve” ng Albay.
Ayon kay Nong Daw-al, isa sa mga orihinal na bumuo at nagtatag ng ABL Inc,. dahil sa lalong tumitinding banta ng “climate change” o pagbabago ng klima, sadyang napakahalaga ang konsepto at programang “blue economy” na sumasaklaw sa “marine resources conservation” at itinuturing na “last frontier of development” kaya kailangan itong proteksiyunan at pangalagaan.
Idineklara noong 2016 ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization or UNESCO ang Albay bilang isang mahalagang “World Biosphere Reserve“ nang gobernador nito si Rep. Joey Sarte Salceda na ngayon ay kinatawan ng Albay sa Kamara.
Ayon kay Dawal ang naturang deklarasyon ng UNESCO na naglagay sa kanilang lalawigan sa pandaigdigang listahan ng mga kahanga-hangang mga lugar, ang gagamitin nilang plataporma ng pinasigla nilang programa.
Katatapos lamang ipatayo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang gusaling “Biosphere Reserve and Research Center” sa bayan ng Manito dito.