Mga bagong polymer bills wala ng mga bayani
MANILA, Philippines — Sa Lunes ay ilalabas na ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga disenyo para sa kanilang bagong polymer o plastic na mga banknote na nagtatampok ng mga hayop na katutubo sa Pilipinas bilang kapalit ng mga pambansang bayani.
Sinabi ni BSP Governor Eli Remolona na ang mga bagong disenyo para sa 500, 100, at 50-peso bills na ipinrisinta noong Huwebes kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., kasama ang 1,000 bill na inilabas noong Abril 2022 ay ang “First Philippine Polymer Banknote Series” na ipinalit sa mga dating disenyo na mga bayani ng bansa.
Ipinaliwanag ni Remolona na magpapataas ng kamalayan ang disenyong naglalarawan ng mga mayamang biodiversity at kultural na pamana ng Pilipinas partikular ang mga ‘native” at ‘protected animals’, mga halaman at lokal na paghahabi ay nagsisilbing simbolo ng pagkilanlan ng Pilipino na maipagmamalaki.
Ginamit sa isang libong pisong polymer banknote ang larawan ng agila na sumasagisag sa katatagan, kalayaan at matalas na pananaw ng mga Pilipino, gayundin ang Visayan spotted na usa na sumisimbolo sa kalinawan at pagiging matalas sa limang daang pisong polymer bill.
Makikita naman sa isang daang pisong polymer bill ang Palawan peacock na naglalarawan sa kariktan ng mga Pilipino kahit sa panahon ng mga krisis, habang sa limampung pisong polymer bill ay ang Visayan leopard cat na sumasagisag sa kalayaan at pagiging maliksi ng mga Pilipino.
Sinabi naman ni Marcos na mas tatatagal ang polymer banknote ng hanggang pito at kalahating taon kumpara sa papel na napuputol o hanggang isa’t kalahating taon at mas makakatipid dahil hindi na kailangan ang madalas na pagprodyus.
Ikatutuwa rin umano ng mga bata na tatanggap ng aginaldo sa Pasko dahil ang bagong bills ay available na sa Lunes, Disyembre 23 sa Metro Manila habang ang pangkalahatang sirkulasyon ay sa susunod na taon na dahil limitado pa lamang ito sa ngayon.
- Latest