Beermen, Bolts inalat sa EASL
MANILA, Philippines — Hindi nakaporma ang mga dayong PBA teams na San Miguel at Meralco kontra sa home teams na Busan KCC Egis at Hong Kong Eastern sa pagpapatuloy ng 2024-2025 East Asia Super League kamakalawa sa magkahiwalay na siyudad.
Nilustay ng Bolts ang malaking bentahe patungo sa 68-72 kabiguan sa KCC Egis sa homecourt nito sa Sajik Gymnasium sa Busan, habang tumaob ang Beermen sa Eastern, 58-69, sa Southorn Stadium sa Hong Kong.
Humawak ng 66-53 bentahe ang Meralco sa huling limang minuto subalit naubusan ng gasolina tampok ang dalawang puntos lang sa 19-2 panapos na bomba ng Busan, ang kampeon ng Korean Basketball League (KBL).
Bumida sa comeback win ng Busan si Heo Ung na kumamada ng 31 points kabilang na ang go-ahead basket sa huling 12 segundo ng laro.
Umangat sa 1-3 ang Busan sa Group B, habang nalaglag sa 2-2 ang Meralco sa kabila ng 23 points ni import DJ Kennedy pati na ang 17 markers at 18 rebounds ni reinforcement Akil Mitchell.
Samantala, wala pa ring panalo ang SMB sa torneo matapos maiwanan sa fourth quarter ng Hong Kong na nagsisilbi ring guest team sa PBA.
Humakot ng 16 points at 17 rebounds si import Chris McLaughlin upang trangkuhan ang Eastern squad na umangat sa 1-2 kartada sa Group A.
Umiskor ng 19 points si eight-time PBA MVP June Mar Fajardo, habang may 19 markers at 11 rebounds si import Torren Jones para sa Beermen na sumadsad sa 0-3 kartada sa Group A rin.
- Latest