Hindi pwedeng suspindihin ang buntis na guro na hindi kasal - SC
MANILA, Philippines — Hindi maaaring suspindihin ng isang paaralan ang isang guro nitong nagbuntis ng hindi kasal sa kanyang nobyo.
Ito ay batay sa inilabas na desisyon ng Supreme Court (SC) First Division, na iniakda ni Associate Justice Ricardo R. Rosario, sinabi ng Mataas na Hukuman na hindi maituturing na imoral ang isang premarital na relasyon na naging dahilan para magbuntis ang isang guro.
Sa naturang desisyon, inatasan din nito ang isang Christian school sa Bohol na bayaran ang suweldo at lahat ng benepisyo ng kanilang guro, simula nang siya ay suspindihin matapos na mabuntis ng kanyang nobyo.
Sa rekord ng hukuman, nabatid na ang guro na isang Grade 2 teacher sa naturang Christian school, ay sinuspinde ng kanilang principal matapos na malaman na siya ay dalawang buwan buntis at hindi pa sila kasal ng kanyang nobyo.
Sinabihan umano siya ng principal na kaagad ding tatanggalin ang suspension order laban sa kanya sa sandaling pakasalan na siya ng kanyang nobyo.
Dahil dito, naghain naman ang guro ng kasong illegal suspension sa Labor arbiter na umabot sa Court of Appeal (CA) na nagdesisyon pabor sa guro.
Naiakyat naman ito sa Mataas na Hukuman, na pumanig din sa desisyon ng appellate court. Giit ng Korte Suprema, ilegal ang ginawang suspensiyon sa guro.
- Latest