3 sanggol magkasunod na itinapon
MANILA, Philippines — Tatlong sanggol ang magkakasunod na itinapon sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan ng Cavite, Batangas, at Rizal, ang natagpuan, kamakalawa.
Sa ulat, nasa 7-8 buwan ang sanggol na pinaniniwalaang biktima ng abortion na nakabalot sa parcel na natagpuan sa bakanteng lote sa Brgy. Sabang, Naic Cavite, kamakalawa ng gabi.
Sa salaysay sa pulisya ng isang alyas Marc, food rider at residente sa lugar, alas-7:30 ng gabi nang maamoy niya ang isang mabahong bagay malapit sa pinaradahan niyang motorsiklo.
Nang kanyang hanapin ay nakita niya ang isang nakabilog na parcel at ng buksan ay tumambad ang kamay ng isang sanggol na halos agnas na kaya hindi pa mabatid ang kasarian nito.
Ang ikalawang sanggol na isang lalaki na nasa 5-7 buwan ay natagpuan sa ilalim ng tulay sakop ng NHA Ave., Brgy. Dela Paz, Antipolo City, Rizal, kamakalawa ng alas-6:30 ng umaga.
Una umanong inireport ng isang concerned citizen na nakadiskubre sa patay na sanggol na iniulat nito sa barangay.
Ang mga tauhan ng nasabing barangay ang dumampot sa isang bag na naglalaman ng sanggol na nakabalot sa isang tuwalya.
Ang ikatlong patay na sanggol ay natagpuan, alas-2:30 naman ng hapon sa Purok 4, Brgy. Mataas na Lupa, Lipa City,Batangas ng isang Rogelio Bacara Barrion Jr. na nakasilid sa backpack at nakabalot sa duguang tela.
- Latest