Lupa nabitak: 15 bahay nawasak
MANILA, Philippines — Nasa 15 bahay kabilang ang riles ng tren ang nawasak nang bumitak ang lupa o ground rupture sa Barangay Matinik, Lopez, Quezon,kamakalawa ng alas-10:00 ng gabi.
Ayon sa mga residente, hindi nila naramdaman ang anumang lindol at bigla na lang nagbitak-bitak ang sementadong pader at pundasyon ng kanilang bahay na nagdulot naman ng tuluyang pagkawasak at pagtagilid ng ilang bahay.
Nagdulot din ng pagkalihis ng mga riles ng tren at pag-angat ng mga kalsada sa ilang bahagi ng bayan ang nasabing pagbitak ng lupa. Unang pagkakataon umano ang nangyaring insidente.
Lumikas ang mga residente para sa kanilang kaligtasan at tinatayang nasa 35 pamilya ang naghahanap ng matutuluyan sa barangay hall.
Nagtungo na sa lugar ang mga kawani ng Provincial Disasters Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) upang kumuha ng mga larawan na isusumite sa PHIVOLCS, DENR at Geo Science and Management Bureau upang masuri ang nasabing pangyayari.
- Latest